Huwebes, Setyembre 5, 2013

Ayokong Umuwi


TANAW - Kahit gaano mo pa nakasanayang gawin ang isang bagay, dumarating talaga ang pagkakataong kailangang humihinto sa sandaling dumating ang pamamaalam. At pagkatapos nito ay pag-iisip kung itutuloy mo ba ang mga bagay na nakasanayan mo na kasama ang pinag-aalayan nito. Sa kabilang banda ba, ay mas maigi ang lumimot at gumawa ng panibagong makakasanayan ng may kalayaan sa pag-iisa:(Photo by: Marc Russell / Caption by: Arem Cesar)

Nagugutom na ako,
Ngunit ayaw ko munang umuwi.
Ayoko na kasing hatiran ka,
Kahit ang ipagtabi ng niluluto ko.
Hindi ko na kasi naririnig
ang “thank you” mo.

Naiinitan na ako, nanlalagkit.
Ngunit ayaw ko munang umuwi.
Hindi mo na mapapansin
Na bagong paligo at iba ang gamit kong pabango.
Sandali lang kasi kung masulyapan mo
At busy ka rin sa mga kaibigan mo.

Inaantok na ko
Ngunit ayaw ko munang umuwi.
Madadaanan ko kasi ang kanto
Kung saan ka laging nakatayo’t nakangiti.
Upang nakawin ang aking sandali.

Ayoko ng umuwi.
Pagkat wala ka na.
Maalala lang kasi kita.
Kaya di na ako uuwi.
                                                                

               
Tag-Ulan sa Ilalim ng Dahon ni Comrade





Biyernes, Mayo 17, 2013

Twit. Twit. (Mga Damdaming Di Marinig)

Twit. Twit..
Mga damdaming di marinig.







Twit. Twit.
Twitter failed,
Sabi ng internet connection.











Twit. Twit.
Paulit-ulit, pero di mo malalaman,
Na ikaw ang syang tinu-twit.










Twit.Twit.


Iniibig kita ng hindi mo alam,
Sapagkat bukang-bibig ko’y ibang pangalan.










Twit.Twit.
Napapasaya mo ako, ng hindi mo alam
Kahit pa sa iba’y makulit ka din naman.
 






Martes, Marso 5, 2013

L.I.S.A.N


Tinatanaw kita
mula sa liwanag
ng poste ng Meralco.
Kung saan lagi kang nakatayo,
habang hinihithit ang sigarilyo
at iniintay ang pagdating ko,
Upang masulyapan
ang mga ngiti kong
sabi mo'y bumubuo sa araw mo.

Pero ang mga tingin ko
ay kanina pa tumatagos,
kakaiba ang gabing ito,
wala ang anino mong
kanina pa din hinihintay ng
liwanag ng poste.

Wala ang ngiti mong
Tutugon sa ngiti ko,
na laging pumupukaw
sa bawat pagod ko. 

Wala ka nang gabing 
yakap ko ang kalungkutan
sa liwanag ng poste, 
at nakikilipad ang isip ko
sa mga gamu-gamong
unti-unting pinapatay
ng kalaliman ng gabi.




Abot-Kamay. May mga pagkakataon na pinalalampas lamang natin ang mga bagay na sa tingin natin ay nandyan lang naman at mas pi-nagtutuunan ng pansin ang sa tingin natin na dapat ay sa atin. Sa ganitong tagpo sa buhay natin, madalas huli na napag-tatanto natin na dapat mas pinagbigyan pansin at halaga natinang mga bagay na abot kamay lang sa'tin, ngunit huli na para makuwa pa ang mga ito, pagkat pagmamay-ari na ng iba. (Photo: Jansen Canaria / Caption: AC Delos Reyes)


Tag-Ulan sa Ilalim ng Dahon ni Comrade






Biyernes, Nobyembre 23, 2012

Kamatayan Ko Ngayong Gabi

YAKAP - Kapag sukdulan na ang sakit na nararamdaman mo, naghahanap ka ng mga alaala ng iyong kamusmusan. Kung saan ang bawat pagluha at kirot ay panandali lamang, kasing bilis mawala sa simpleng pag-ihip sa tuhod mong nasugatan. At ang bawat mga dahilan ng iyong pagluha ay madaling napapahid ng matatamis na kendi. Ngunit ngayon, paano nga ba ang paglimot sa katotohanang hindi sana dumating sa buhay mo. (Photo by: Marc Rusell / Caption by: Arem Cesar)



































Tikumin mo ang aking labi
ng mapagkunwari mong halik.
Sapagkat ayoko ng huminga
sa mundong wala ka.
Aliwin mo ang aking utak
ng mga nakakakiliti mong salita.
Sapagkat ayokong maalala
ang sandaling wala ka.
Paralisahin mo ang aking katawan
ng haplos mong may halaga.
Sapagkat di ko na nais pang
mahawakan ng iba.
Patayin mo ang puso kong
umiibig at nagnanais sayo.
Sapagkat napapagod na ako,
namabigo at maglaro.
Ngayong gabi sa paglisan mo,
nakikiusap ako!
Itakda mo ang kamatayan ko sa piling mo.


Tag-Ulan sa Ilalim ng Dahon ni Comrade

Huwebes, Nobyembre 15, 2012

BAKasaKALI

INDAK - Makailang ulit mo na bang sinamo, ang isang bagay na wala ka? Ilang beses na rin bang ginaya mo ang galaw ng iba, para lang mapansin ng taong laging sa iba nakatingin? Makaila na nga ba, hindi mo na maalala dahil nakasanayan mo na sa dalas mong pinaniniwala ang sarili mong, ikaw siya-walang pagod sa pagsayaw sa saliw ng tugtugin nyang di kayang sabayan ng iyong paa (Photo by: Marc Russell / Caption by: Arem Cesar).




Hindi ako maganda
tulad ng mga rosas.
At di kasing hinhin
ng iyong nais mahalin;
Di matamis
ang aking mga dila
at mariringgan
ng magagandang salita;
Di mo ako mararamdaman
katulad ng hangin
na kayang humalik
sa iyong mga pisngi.
Naisin man ng puso ko
na yakapin ka sa tuwina,
Ito ay di maari
pagkat mahal mo ay iba.
Subalit katulad ko ang bituwin
Na lagi sayong nakatingin.
Tulad din ng bato
Na pwede mong tiisin.
Ganito ako.
Nandito ako.
Malayo ang distansya
Mula sa’yo.


Tag-Ulan sa Ilalim ng Dahon ni Comrade

Martes, Nobyembre 6, 2012

T.A.K.A.s

PIGIL - May mga pagkakataong kailangan mong takasan kahit panandali, upang malimutan ang kirot na lumulugmok sa'yo sa kawalan. Ninanais mong burahin ang bawat larawan, lugar, petsa at anu mang bagay na makakapag papaalala sa'yo na may kahapon kang nais takasan. Ngunit kahit gaano ka man katagal pumikit, umaalingawngaw sa kasuluk-sulukan ng isip mo ang lakas ng pagtibok ng puso mong ayaw lumimot. (Photo by: Marc Russell / Caption by: Arem Cesar)


Inaasam kong liparin ng hangin
papalayo sa mundong ginagalawan ko
at mapadpad sa lugar na masaya
ngunit wala ang iyong mga tawa.

Sinasamo kong liparin ng hangin
sa katahimikang di ka masasambit
at kwentuhang wala ang alaala
mong nakapananakit.

nais kong liparin ng hangin.
iyon ang hinahangad ko.

at nawa'y tuparin ng pusong ito.




Tag-Ulan sa Ilalim ng Dahon ni Comrade

Martes, Oktubre 23, 2012

Ninong

Okt-6, tila isang ordinaryong araw lang naman para sa'min ng partner ko, ang kaibahan nga lang ang sa biyahe namin ng araw na yun ay hindi isang simpleng pagliliwaliw lang, dahil mag-sponsor siya sa isang di Katoliko na simbahan. 

Excited ako, kahit medyo masama ang pakiramdam ko, at nagsusuka pa sa hangover ng nakaraang gabi ng gimik namin, first time ko kasing a-attend sa ganung binyagan, meron pa lang ganun? At isa pa wala na rin ako nagawa sa paglalambing ni Baby Boo na samahan ko siya. Habang papalabas ng bahay, panay ang biro ko sa kanya na may ibang nilalang na imbitado sa Espiretistang binyagan na iyon. 

Humigit kumulang apat na oras din ang biyahe namin mula Manila, pag pagdating namin sa Simbahang walang santo pero may malaking Krus lang na kahoy sa may stage, pero wla nakapako dito. Andun na halos lahat ng mga Ninong at Ninang, kami na lang yata ang iniintay ni Baby Boo. May limang minuto pa lang kami nakakarating ng tinawag na sa unahan malapit sa stage ang mga sponsor. Dahil wala naman akong papapilin sa pinyag na'yun, nag-volunteer na lang ako na kumuha ng picture. 

Halos parehas lang naman ang seremonya sa Katoliko, ang kaibahan lang, walang masyado maraming arte ng na papalitan pa ng puting damit ang bata. In fact, naka puting damit na ang bata pagdating pa lang doon. Walang ring pagsindi ng kandila na naganap, pero ipinagpapasa-pasa ang bata sa mga Ninong at Ninang, hiniling din ng ministro na ipagbasal ng bawat isa ang bata. 

Pero ang pinaka nakakagimbal na kaganapan ng malapit ng matapos ang misa, bigla na lang bumulagta ang lalaking katabi ni Baby Boo. Kumukuha ako noon ng picture, kaya kitang kita ko ang pagtumba ng lalaki, nakapikit kasi silang lahat at nagdarasal. At naagaw ko ang attention nila sa pagkagulat ko, medyo nakapalakas pala ang reaksyon ko. 

May ilang minuto rin siguro noon, nang maitayo siya. Agad siyang sinuri ng mga tao dun, at sinusisa kung ano ba ang ngyari o ginawa niya bago siya pumunta dun. Ayun sa lalaki, normal daw ang pakiramdam nya at di rin daw siya uminom o nagpuyat, kumain din daw siya at nagkape bago umalis ng bahay bagamat maaga siyang umalis. Nang nasiguro ng Ministro na okey naman ang lalaki, nagpatuloy ito sa pagtatapos ng seremonya.

Hindi maalis sa isip ko ang nagyari sa lalake, at wala ako halos kibo hanggang sa dumating kami sa Reception Area. Pagkatapos kumain, balik na naman ako sa pagiging official photographer ni Baby Boo. Kuha dito, kuha dun, click. click .click, hanggang magkayayaan na sa pag-uwi. 

Bagaman maugong ang usap usapan ng mga tao sa  reception, hindi ko na nagawang makisawsaw sa kanila, pilit ko kasing binuburo sa isip ko ang nagyari sa lalaki. Talaga namang kakaiba kasi, at sa tuwing iniisip ko yun tumatayo ang balahibo ko.

Medyo magdidilim narin noon, halatang pagod na pagod si Baby Boo sa kakangiti, nakatulog na kasi siya sa balikat ko. Habang mahimbing ang pagkakaidlip niya, isa isa kong binalikan ang mga pictures, alam ko kasi nakunan ko ang eksena bago tumumba yung lalaki. kahit siya, hindi niya alam ang dahilan kung bakit siya nawalan ng malay. 

Napasigaw ako nang makita ko ang nakunan ko bago siya natumba, kinagising ni Baby Boo ang naging reaksyon ko. Hindi ko alam kung namamalik mata lang ako, ipinakita ko kay Baby Boo ang camera ko na naka-zoom out, kahit siya hindi makapaniwala sa pigura ng bata sa picture.


Ikaw nakakasigurado ka bang wala kang kasama?