Biyernes, Nobyembre 23, 2012

Kamatayan Ko Ngayong Gabi

YAKAP - Kapag sukdulan na ang sakit na nararamdaman mo, naghahanap ka ng mga alaala ng iyong kamusmusan. Kung saan ang bawat pagluha at kirot ay panandali lamang, kasing bilis mawala sa simpleng pag-ihip sa tuhod mong nasugatan. At ang bawat mga dahilan ng iyong pagluha ay madaling napapahid ng matatamis na kendi. Ngunit ngayon, paano nga ba ang paglimot sa katotohanang hindi sana dumating sa buhay mo. (Photo by: Marc Rusell / Caption by: Arem Cesar)



































Tikumin mo ang aking labi
ng mapagkunwari mong halik.
Sapagkat ayoko ng huminga
sa mundong wala ka.
Aliwin mo ang aking utak
ng mga nakakakiliti mong salita.
Sapagkat ayokong maalala
ang sandaling wala ka.
Paralisahin mo ang aking katawan
ng haplos mong may halaga.
Sapagkat di ko na nais pang
mahawakan ng iba.
Patayin mo ang puso kong
umiibig at nagnanais sayo.
Sapagkat napapagod na ako,
namabigo at maglaro.
Ngayong gabi sa paglisan mo,
nakikiusap ako!
Itakda mo ang kamatayan ko sa piling mo.


Tag-Ulan sa Ilalim ng Dahon ni Comrade

Huwebes, Nobyembre 15, 2012

BAKasaKALI

INDAK - Makailang ulit mo na bang sinamo, ang isang bagay na wala ka? Ilang beses na rin bang ginaya mo ang galaw ng iba, para lang mapansin ng taong laging sa iba nakatingin? Makaila na nga ba, hindi mo na maalala dahil nakasanayan mo na sa dalas mong pinaniniwala ang sarili mong, ikaw siya-walang pagod sa pagsayaw sa saliw ng tugtugin nyang di kayang sabayan ng iyong paa (Photo by: Marc Russell / Caption by: Arem Cesar).




Hindi ako maganda
tulad ng mga rosas.
At di kasing hinhin
ng iyong nais mahalin;
Di matamis
ang aking mga dila
at mariringgan
ng magagandang salita;
Di mo ako mararamdaman
katulad ng hangin
na kayang humalik
sa iyong mga pisngi.
Naisin man ng puso ko
na yakapin ka sa tuwina,
Ito ay di maari
pagkat mahal mo ay iba.
Subalit katulad ko ang bituwin
Na lagi sayong nakatingin.
Tulad din ng bato
Na pwede mong tiisin.
Ganito ako.
Nandito ako.
Malayo ang distansya
Mula sa’yo.


Tag-Ulan sa Ilalim ng Dahon ni Comrade

Martes, Nobyembre 6, 2012

T.A.K.A.s

PIGIL - May mga pagkakataong kailangan mong takasan kahit panandali, upang malimutan ang kirot na lumulugmok sa'yo sa kawalan. Ninanais mong burahin ang bawat larawan, lugar, petsa at anu mang bagay na makakapag papaalala sa'yo na may kahapon kang nais takasan. Ngunit kahit gaano ka man katagal pumikit, umaalingawngaw sa kasuluk-sulukan ng isip mo ang lakas ng pagtibok ng puso mong ayaw lumimot. (Photo by: Marc Russell / Caption by: Arem Cesar)


Inaasam kong liparin ng hangin
papalayo sa mundong ginagalawan ko
at mapadpad sa lugar na masaya
ngunit wala ang iyong mga tawa.

Sinasamo kong liparin ng hangin
sa katahimikang di ka masasambit
at kwentuhang wala ang alaala
mong nakapananakit.

nais kong liparin ng hangin.
iyon ang hinahangad ko.

at nawa'y tuparin ng pusong ito.




Tag-Ulan sa Ilalim ng Dahon ni Comrade

Martes, Oktubre 23, 2012

Ninong

Okt-6, tila isang ordinaryong araw lang naman para sa'min ng partner ko, ang kaibahan nga lang ang sa biyahe namin ng araw na yun ay hindi isang simpleng pagliliwaliw lang, dahil mag-sponsor siya sa isang di Katoliko na simbahan. 

Excited ako, kahit medyo masama ang pakiramdam ko, at nagsusuka pa sa hangover ng nakaraang gabi ng gimik namin, first time ko kasing a-attend sa ganung binyagan, meron pa lang ganun? At isa pa wala na rin ako nagawa sa paglalambing ni Baby Boo na samahan ko siya. Habang papalabas ng bahay, panay ang biro ko sa kanya na may ibang nilalang na imbitado sa Espiretistang binyagan na iyon. 

Humigit kumulang apat na oras din ang biyahe namin mula Manila, pag pagdating namin sa Simbahang walang santo pero may malaking Krus lang na kahoy sa may stage, pero wla nakapako dito. Andun na halos lahat ng mga Ninong at Ninang, kami na lang yata ang iniintay ni Baby Boo. May limang minuto pa lang kami nakakarating ng tinawag na sa unahan malapit sa stage ang mga sponsor. Dahil wala naman akong papapilin sa pinyag na'yun, nag-volunteer na lang ako na kumuha ng picture. 

Halos parehas lang naman ang seremonya sa Katoliko, ang kaibahan lang, walang masyado maraming arte ng na papalitan pa ng puting damit ang bata. In fact, naka puting damit na ang bata pagdating pa lang doon. Walang ring pagsindi ng kandila na naganap, pero ipinagpapasa-pasa ang bata sa mga Ninong at Ninang, hiniling din ng ministro na ipagbasal ng bawat isa ang bata. 

Pero ang pinaka nakakagimbal na kaganapan ng malapit ng matapos ang misa, bigla na lang bumulagta ang lalaking katabi ni Baby Boo. Kumukuha ako noon ng picture, kaya kitang kita ko ang pagtumba ng lalaki, nakapikit kasi silang lahat at nagdarasal. At naagaw ko ang attention nila sa pagkagulat ko, medyo nakapalakas pala ang reaksyon ko. 

May ilang minuto rin siguro noon, nang maitayo siya. Agad siyang sinuri ng mga tao dun, at sinusisa kung ano ba ang ngyari o ginawa niya bago siya pumunta dun. Ayun sa lalaki, normal daw ang pakiramdam nya at di rin daw siya uminom o nagpuyat, kumain din daw siya at nagkape bago umalis ng bahay bagamat maaga siyang umalis. Nang nasiguro ng Ministro na okey naman ang lalaki, nagpatuloy ito sa pagtatapos ng seremonya.

Hindi maalis sa isip ko ang nagyari sa lalake, at wala ako halos kibo hanggang sa dumating kami sa Reception Area. Pagkatapos kumain, balik na naman ako sa pagiging official photographer ni Baby Boo. Kuha dito, kuha dun, click. click .click, hanggang magkayayaan na sa pag-uwi. 

Bagaman maugong ang usap usapan ng mga tao sa  reception, hindi ko na nagawang makisawsaw sa kanila, pilit ko kasing binuburo sa isip ko ang nagyari sa lalaki. Talaga namang kakaiba kasi, at sa tuwing iniisip ko yun tumatayo ang balahibo ko.

Medyo magdidilim narin noon, halatang pagod na pagod si Baby Boo sa kakangiti, nakatulog na kasi siya sa balikat ko. Habang mahimbing ang pagkakaidlip niya, isa isa kong binalikan ang mga pictures, alam ko kasi nakunan ko ang eksena bago tumumba yung lalaki. kahit siya, hindi niya alam ang dahilan kung bakit siya nawalan ng malay. 

Napasigaw ako nang makita ko ang nakunan ko bago siya natumba, kinagising ni Baby Boo ang naging reaksyon ko. Hindi ko alam kung namamalik mata lang ako, ipinakita ko kay Baby Boo ang camera ko na naka-zoom out, kahit siya hindi makapaniwala sa pigura ng bata sa picture.


Ikaw nakakasigurado ka bang wala kang kasama?





Lunes, Oktubre 22, 2012

Wala Sanang Kahapon

ABERYA - Madalas sa bawat pagtatapos, ninanis mong kalimutan ang kahapon. Madalas nanganagapa ka sa bawat iyong magiging reaksyon, sa iyong magiging damdamin at dapat patungihin ng iyong ngayon. At dumadalas ang pag-usal mo sa salitang KUNG, pero ang buhay ay hindi nagtatapos sa salita iyon, subukan mong humakbang para malamang mo KUNG ano ang kasagutan. (Photo by: Jansen Canaria / Caption by: Arem Cesar)

Kung ang bawat tuldok
ay katapusan.
at ang bawat luha
ay isang pamamaalam.
di na sana akomuling masasaktan.

kung walang alaalang iniiwan
ang bawat karanasan,
at walang natatamong peklat
ang sinumang nasusugatan.
wala na rin sanang itatagong
kalungkutan.

kung kaya ko lang
sabayan ang takbo
ng masayang musika
at humalakhak
sa bawat biro nila,
disin sana'y ang bawat
tulang aking lilikhain,
ay walang halong pagdurusa.

Tag-Ulan sa Ilalim ng Dahon ni Comrade

Miyerkules, Oktubre 17, 2012

Madilim na Umaga

ESPASYO - Isang araw sa paggising mo, nangangamba ka na sa bawat umaga na darating ay pangungulila at magiging makirot ang bawat alaala ng kahapon. Hahakbang ka ba sa pintong tinahak ng mahal mo, o mananatili sa kinatatayuan mo habang yakap ang EGO. (Photo by: Marc Russell / Caption by: Arem Cesar)


Umaga na.Gigising ba ako?
Kahit alam kong wala ka na.
Paano makukumpleto ang almusal ko?
Ngayong wala na ang ngiti mo...

Magsisimula ba ang araw na ito,
Na di ka man lang matatanaw?
at di na kailan man matatanaw,
pagkatapos nito.

Ilang umaga pa na ganito?
Mula ng gabing inulila mo’ko.
Gigising na ba ako
o pahahabain ko na lang
ang gabing nasa alaala pa kita...


Tag-Ulan sa Ilalim ng Dahon ni Comrade

Niig


TARA - Paano mo idaraos ang gabing puno ng kalungkutan, habang tinatanaw ang espasyong iniwan nya mula ng araw na siya ay lumisan? Isasamo mo ba ang bawat alaala niya at iguguhit ng iyong palad, hanggang mairaos mo isa na namang gabi ng pangungulila. (Photo by: Arem Cesar / Caption by: Arem Cesar) 



Nananabik ako na muli mong hawakan.
Para madama ang init mong
pupukaw sa'king kalungkutan.

Hawakan mo ako at isayaw
sa ritmo na tayong dalawa lang ang may alam.
Sa saliw ng musika ng katahimikan, pananabik
at pag-angkin sa espasyo
na sa'yo lamang inilalaan.

Ngayong gabi iintayin kita.
Sa ating tagpuan.



Tag-Ulan sa Ilalim ng Dahon ni Comrade

#CyberCrimeLaw (Amendment Now Na)


Walang absolutong karapatan ang bawat isa, ito ang riyalidad.

Dahil dito, sinisikap ng mga mambabatas na linawin ang mga limitasyon at karapatan ng bawat isa, sa pamamagitan ng pagpapasa ng mga batas at panukala. Ngunit, Kailan nga ba ang isang batas na inihain ay nagiging banta sa mas nakakarami at nagkakaroon na higit na negatibong paningin?

Kamakailan umanin ng kabikabilang batikos ang pagkakapasa ng RA 10175 - Cyber Crime Law. Isang batas na naglalayong linawin ang limitasyon ng bawat Pilipino sa tinatawag nating Cyber World. Layunin nitong ipatupad ang responsableng pagpapahayag, at mapahalagahan ang karapatan ng mga kababaihan higit sa lahat.


Ganoon pa man, ang isa sanang mas kapakipakinabang na batas ay nagdulot ng higit na takot at pagkalito sa mas nakakarami. Pero bakit nga ba? Maraming nagsasabi na minadali at hindi lubos na pinag-isipan. Ngunit, mas higit siguro na tamang-isipin, na humahantong sa pagkadismaya ang isang batas kung ito ay naipapaloob sa mga katagang "Self Serving."

Maraming batas na ganito, na inihain para sa higit na nakakarami. Pero kung susuruin, kinakanlong ng mga ito ang interes at karapatan ng iilan (higit ang mga may akda nito o ang mga namiminuno sa panahong naipasa ito).

Kaya naman hindi kataka-taka kung ganun na lamang ang pagkalampag ng nakararami na ibasura ang RA10175. Isa sanang batas na kuwesyonable ang kapakinabang sa mga biktima at mabibiktima pa lamang, o dedisiplina sa mga lumalabis ng paggamit sa tinatawag na karapatan. Ganun pa man malinaw na isa na naman itong batas na kakanlong sa mga namininuno.

Kaya nga mahalaga na dapat maipaliwanag ng mga may akda nito higit sa kaninuman kung ano ang kanilang intepretasyon. Sapagkat kung mangagaling sa kabilang panig, ang pagbibigay linaw dito, malamang sa malamang ipapaliwanag nila kung paano nila gustong intindihin ang batas na ito.

 Mahalaga ang bawat ngayon, higit sa pagsasaayos ng mga bawat butas ng batas na ito. Alam natin na ang pag-amyenda ng batas na ito ay daraan sa butas ng karayom upang maipasa muli ang mga probisyon. Kaya nararapat na maipaliwag muna ang batas na ito, kaysa sa kalaunan ay iasa na naman sa SC kung ano ang pagkakaintindi nya dito. Marami na tayong mga tagpong ganito, kaya naman sana wag ipagkait ng tunay na kaalaman at impormasyon ukol dito.

Sabado, Oktubre 13, 2012

SUMMON: SUMmation of MOmeNt



Paano ba dapat sinisimula ang mga bagay-bagay, halimbawa ang simpleng pagpapakilala? Sa isang tanong ba? Sa paglalarawan mo kung sino ka at pagsasabi ng mga bagay na pinaniniwalaan at di mo pinaniniwalaan? Sa pagsusuri ng kung anong nasa paligid mo, at kung ano ang mas interesado sa kanila o sa’yo? Sa pamamagitan ba ng pagsunod at pagsagot sa mga tanong, alintuntunin, batas, direksyon at kung anong bigla mo na lamang maisipan?

Kahit ano siguro pwede at maaring maging tama, basta alam mo kung bakit mo yun ginagawa? Pero bakit nga ba kailangang mong magpakilala? Bakit kailangan mong magsalita, sumagot, gumalaw, tumalon, gumulong, at gawin ang trip mo? Kasing tipo ba yan ng Purpose Driven In Life, onipiliP agm gna orbiL gn asabgaM datgilaB tikaB, Saan darating ang Umaga, Kahit Puso’y Masugatan, Where Do Broken Heart Goes? 

Ano sa tingin mo, kasi kung ako ang tatanungin, marahil nag-uumpisa ang lahat mula sa matanong na isipan ng bawat tao? Ngunit kaakibat ang bawat tanong ay ang kadahilanan kung bakit kailangang masagot. Ibig sabihin ang bawat tanong ay may kadahilanan, at ang bawat kadahilan ay dapat may tanong? 

***
SUMMON, panawagan na nangangahulugan ng kadahilanan, pananagutan o pwede ring silbe. Naniniwala ako na ang lahat ng bagay ay lumilitaw at lilitaw ng may kadahilanan, maaring hindi mo matanto ng agaran, pero nakakasiguro ako na walang bagay na wala lang. Lahat tayo ay nananawagan na matanggap, marinig, makilala o sa simpleng marespeto.

***
Summation of Moments, una kong natutunan yan at naintindihan ng College ako sa isa sa mga major subject namin (Engineering Mechanics). Nangangahulugan ito na ang bawat mga bagay ay dapat balanse. The summation of moment is equal to zero, kaya kapag hindi mabalanse ang buong equation, malamang sa malamang may mali kang ginawa, o may sinama at di naisama na variables.
 
Sa madaling salita, kung bakit merong ikaw at ako, tayo at sila, kami at kayo, ay upang maibalanse ang mundo. Nasaang panig ka man, mananatiling ikaw ay may halaga sa patuloy na pag-ikot ng mundo. Kaya kahit anong gawin mo, hindi mo pwedeng sarilining ikaw lang ang tama at lahat ng karapatan ay nasa sa iyo. 

Balanse ang mundo, nakatagilid man ito para sa iba, nananatili itong nasa balanseng katatayuan. Ang mahalaga, malinaw sa’yo kung nasaang panig ka, mag-iiba iba ang panahon, mag-iiba iba din ang paniniwala mo, pero ayos lang yan kasi alam mo sa sarili mong may buhay ka pa gumagalaw, nag-iisip, naghahanap ng silbe, natatanong, sumasagot, lumilikha, nangwawasak. 

Kaya lagi mong tatandaan, ano man ang gawin mo, may makikita at makikita kang sasalungat sa ginagawa mo. Kase nga hindi lang ikaw ang babalanse ng mundo.